Saturday 25 August 2012

'YUN DIN ANG FEELING KO, KAMI NA, KASO HINDI. EH' - DANIEL



 
Dahil sa phenomenal success ng loveteam nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla o KathNiel sa kilig-seryeng Princess and I ay gagawa na sila ng pelikulang sila mismo ang bida.


Sa ngayon ay tinatapos muna nina KathNiel ang pelikulang Sisteraka na pagsasamahan nina Kris Aquino at Vice Ganda bilang entry ng Star Cinema ngayong 2012 Metro Manila Film Festival.
 
 
At si Daniel naman ay kasama sa pelikulang Kuratong Balaleng kasama ang tito Robin Padilla at amang si Rommel Padilla.
 
 
Sa susunod na taon naman uumpisahan nina Daniel at Kathryn ang sarili nilang pelikula kaya naman sobrang hectic ng schedule ng panganay na anak ni Karla Estrada kay Omeng (Rommel).
 
 
Sabi nga ng handler ni Daniel na si Luz Bagalacsa nu’ng nagpapa-sked kami ng repeat ng Princess and Us sa Zirkoh Morato bago matapos ang 2012 ay kaagad kaming sinagot ng, “naku, Reggee, punumpuno po ang schedule ni Daniel hanggang January 2013.”
 
 
Busy as a bee pala ang binatilyo kaya pala sa tuwing makikita’t makakausap namin siya ay namumungay ang mga mata at idinadaan lang sa pangungulit para siguro magising-gising siya.
 
 
At sa ginanap na thanksgiving party ng Princess and I noong MIyerkules ng gabi sa Cerchio Restaurant ay nahuli ng dating si Daniel dahil pinakiramdaman muna ang sarili kung kaya niyang bumiyahe dahil kasalukuyan palang nilalagnat ng gabing iyon ang leading man ni Kathryn.
 
 
Hindi ito sinabi ni Daniel sa amin kundi nabanggit lang ng talent handler na naroon din sa nasabing okasyon.
 
 
Feeling din namin na hindi kayang hindi makita ni Daniel si Kathryn nu’ng gabing iyon kaya nagpilit pa rin siyang pumunta bukod pa sa gusto rin niyang magpasalamat sa lahat na ang Princess and I ang una niyang teleserye sa ABS-CBN simula noong i-launch niya pagkatapos ng Gimik.
 
 
At sa panayam namin kina KathNiel kung ano ang pakiramdam ni Gino (karakter ni Daniel) sa balitang maraming nagkakagusto kay Mikay (karakter ni Kathryn) lalo na si Dominique Roque na aminadong crush niya ang dalagita.
 
 
“Salamat! Siyempre, ‘yung gusto kong babae, gusto rin niya,” kunwang galit na sabi ng batang aktor.
 
 
Paano kung ligawan ni Dom si Kath, “E, di ligawan niya po, okay lang naman sa akin.  Ayoko po ng away.  Sawang-sawang nap o ako sa away, e, kami naman po ni Kathryn (sabay titig), basta, alam mo na ‘yun!” paalalang sabi ni DJ sa leading lady niya.
 
 
Bakit nabanggit ng batang aktor na ‘sawang-sawa nap o ako sa away’, palaaway ba siya rati?
 
 
“Opo, hindi na ngayon.” Mabilis naman nitong sagot.
 
 
At aminadong mainitin ang ulo ni Daniel na nakuha raw niya ang ugaling ito sa Padilla.
 
 
“Opo, sakto Padilla talaga ugali ko.” Sambit ng anak nina Rommel at Karla.
 
 
Samantala, hindi nagustuhan ni Daniel ng tanungin namin si Kathryn na sobrang haba ng buhok niya dahil maraming nagkaka-gusto sa kanya.
 
 
“Ayoko pong sinasabi pag mahaba ang buhok ni Kathryn, ‘haba ng hair mo, ayoko, yoko no’n!” pagkadiin-diing sabi ni DJ.
 
 
Kaya nagulat kami at tinanong namin kaagad ang binatilyo, “ayoko po!  Kasi feeling ko, ang daming lalaki sa buhay ni Kathryn.”birong seryosong sabi ni Daniel.
 
 
Hindi rin nagustuhan ni Daniel ang isyung nagbababad si Kathryn sa condo unit niya.
 
 
“Napaka-bastos po ng isyung ito, hindi ko gusto ‘yung salitang nagbabad po siya sa condo ko, hindi po maganda ito para sa isang babae na nagbabad siya sa condo.”paglilinaw ng binatilyo.
 
 
E, kasi naman, wala pa namang condo unit ang batang aktor at nakatira siya sa Pasig City kasama ang mga kapatid at inang si Karla.
 
 
Samantala, inamin naman ni Kathryn na sa rami ng naka-trabaho niyang aktor ay si DJ daw ang pinaka-maalaga sa kanya at sa katunayan ay para na siyang prinsesa talaga kung ituring ni Gino.
 
 
Ang dalagita rind aw ang dahilan kung bakit tumataba ngayon si Daniel.
 
 
“Actually po, ‘yung mga fans ang nagdadala po lagi ng pagkain para sa amin.  Sila ang nagpapataba sa amin.” Sabi naman ni Mikay.
 
 
Kaya abut-abot ang pasalamat nina KathNiel sa kanilang supporters na parating nasa taping ng Princess and I na nakikipag-puyatan din sa kanila.
 

At muling kinulit kung MU na sila, “malabong usapan nga po,” say ni Kath.


“Bad trip ‘yun, ah.  Matinong usapan, di ba?” titig ni Daniel sa leading lady niya.


“Malabo (nga), basta kayo na pong bahala,” tumatawang sabi ni Kathryn.


Kaya ang sabi namin, ‘alam ninyo, feeling ko kayo (na).’


“Feeling n’yo lang po ‘yun,” sagot sa amin ni Mikay.


“Yun din ang feeling ko (kami na) kaso hindi, eh.” Tumatawang sagot ni Gio.



No comments:

Post a Comment