Monday 20 August 2012

SAM, PINAGTRIPAN NG MGA KAPITBAHAY SA PASIG


Natuwa kami sa mga kuwento ng kapitbahay ni Sam Milby sa Greenwoods Village, Pasig City dahil sobrang bait daw pala ng aktor sa kanila.
 
 
Bagama’t alam na naman ng buong showbiz industry na mabait si Sam ay iba pa rin pala ang dating sa tulad naming taga-media na makarinig ng kuwento mula sa mga hindi naming kilalang tao na kapitbahay ng aktor.
 
 
Naka-dinner namin ang mag-asawang may-ari ng bagong tayong skin clinic sa Ortigas Center, Pasig City na ipinakilala lang din sa amin ng isang kaibigan na hindi taga-showbiz at napag-kuwentuhan namin ang mga kliyente nilang artista na mga sikat din naman.
 
 
Hindi alam ng mag-asawang ito na reporter kami kaya panay ang kuwento nila ng kung anu-ano tungkol sa mga nakakahalubilo nilang artista at ‘yung ibang gustong maging endorser nila.
 
 
Hanggang sa nabanggit nilang ka-village nila si Sam at hinayaan namin silang magkuwento tungkol sa aktor.
 

“’Yung mga kapitbahay namin, natutuwa kay Sam, mabait pala ‘yun?  Sabagay kita naman sa mukha na mabait at sa tuwing makikita siya, bumabati, parating nagsasabi ng ‘hi o hello’, palangiti naman.
 
 
“Minsan pinagkatuwaan nila si Sam, may mga sumigaw ng sunog, sa tapat ng bahay mismo ni Sam, hayun, bagong gising yata, lumabas si Sam, may dala-dalang timbang tubig at tinanong, “sunog? San po ang sunog?
 
 
“Nagkatawanan nga lahat, kasi ‘yung pagkasabi niya ng sunog, slang daw.  Kaya maraming gusto si Sam kasi alam mong tutulong talaga,” dire-diretsong kuwento sa amin.
 

No comments:

Post a Comment