Wednesday 15 August 2012

DANIEL AT KATHRYN, MU NA?


Sinugod ng loyalistang fans nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang programang Kris TV kahapon kesehodang rumaragasa ang bagyong Helen.
 
As early as 6AM ay nagdagsaan na ang mga grupong Kathniel, KathNiel Addicts, Proud Daniel Fans, Danielstaz, SmirkForDaniel, at iba pa kaya naman nagulat ang mga guwardiya ng ABS-CBN dahil akala nila ay may rally, ha, ha, ha.
 
Anyway, dapat kasi ay noong nakaraang linggo pa ang guesting nina Daniel at Kathryn ginawa namang dagat ni Habagat ang buong Metro Manila kaya hindi natuloy.
 
“Walang oras talaga, punumpuno ang schedules nila Reggee, grabe!” ito ang sabi sa amin ng handlers ng dalawa na sina Luz Bagalacsa at Cris Navarrp ng taga-Star Magic.
   
Natutuliro rin ang adprom lady ng Star TV na si Joanne Angeles dahil nga kinukulit din siya ng supporters at maski na maysakit siya kahapon ay binantayan niya ang guestings ng dalawa.
  
Kaya naman kahapon bago pumunta sa General Santos City ang batang aktor ay dumaan siya sa Kris TV kasama si Kathryn kaya hindi na ito pinalampas ng supporters ng dalawa na sobrang kilig na kilig sa kanila.
  
Nabingi-bingi sa tilian at hiyawan ng fans ang buong tao sa studio at maging si Kris ay naloloka at sa katunayan ay on air niyang sinabi na patayin muna ang mga cellphone na walang tigil sa kakatunog dahil nadi-distract sila.
  
Co-hosts ni Kris ang ex-lovers na sina Jason Francisco at Melai Cantiveros kahapon kaya walang ginawa ang mga ito kundi mag-asaran at mukhang may balikang mangyayari sa dalawa.
  
Samantala, inamin ni Daniel na willing siyang maghintay kay Kathryn kapag tumuntong ito ng 18 years old (2014) at ngayon palang daw ay wala ng ibang babae para sa kanya kundi ang leading lady niya sa Princess and I.
 
Diretsong tinanong ni Kris kung kailan puwedeng mag-boyfriend si Kathryn at sinagot nga nitong pagtuntong niya ng 18 at muling tinanong ng TV host kung puwedeng MU (mutual understanding)?
   
“Puwede po siguro kasi wala naman commitment pa, parang inspirasyon lang.” sagot ni Kathryn na lalong ikinakilig ng supporters na nasa studio.
  
At ibinuking naman ni Melai na, “naku, feeling ko sila na, alam nila lahat ang tungkol sa isa’t isa.”
   
At heto na, sumimangot si Daniel ng malaman niyang may nagkaka-crush kay Kathryn, si Dominic Roque na kasama naman sa Aryana na pamangkin ni Beth Tamayo.
  
Nag-guest na rin kasi ang baguhang aktor sa Kris TV dati at nabanggit nga niya na crush niya si Kathryn at ipinaalala ito ni Kris sa dalagita na hindi pa pala nakikilala ng young actress si Hubert (role ni Dominic) kaya si Daniel ay sumimangot at sabay bawing, “okay nga po iyon na magkakilala sila (Kathryn)." 
 
Kaya naman si Kris ay natatawang naiiling na lang sa kulitan ng dalawa dahil tila naiinis si Kathryn sa panga-asar ni Daniel sa kanya tungkol kay Dominique. 
 
Samantala, kinilig lalo ang fans ng i-promote na nina Daniel at Kathryn ang show nilang Princess and Us sa Zirkoh Morato sa Agosto 20, Lunes kasama si Khalil Ramos plus Sexbomb dancers.
  
Sobrang pasalamat kami sa handlers na sina Luz at Cris dahil naglaan sila ng oras para makapag-promote ang dalawang bagets ng Princess and Us at sa buong staff ng Kris TV lalo na kay Kris at kay Joanne na kinukulit namin parati para sa promo.
 
 
                                                             
  

No comments:

Post a Comment