Tuesday, 31 July 2012

ARTISTA ACADEMY NG TV5, MARAMING PROBLEMA


Maiinit na ang mga ulo ng tatlong team na bumubuo ng reality show na Artista Academy ng TV5 dahil binubuo palang nila ang episode na ie-ere kinagabihan as in hand to mouth.



Sanay na kaming makarinig ng ganitong kuwento sa mga programa ng ABS-CBN lalo na kapag nae-extend at malapit ng magtapos dahil nga may mga binabago sa script at karamihan naman ay magaganda ang resulta.


Nakakataka lang ang Artista Academy na ilang buwan na itong binubuo ay wala pa rin pala silang bangko?


Kaya nga hindi natuloy ang airing ng AA noong Hulyo 16 ayon sa unang press release dahil hindi pa sila handa kaya naging Hulyo 30 na itinuloy na lang daw dahil kahiyaan na at naka-ilang anunsyo na ang TV5.


Kuwento mismo ng aming source na taga-Artista Academy, “paanong hindi kami mangangarag, ang dami-daming boss na kailangang sundin.  Kapag may natapos na kaming segment, ipi-preview ni Ma’am Wilma (Galvante), me ipapabago, tapos ipi-preview ni direk Mac (Alejandre), me babaguhin din, tapos ipi-preview ni PMI (Perci M. Intalan), me patatanggal o idadagdag, kaya paano kami makakabuo?


“Kaya nga kapag may nabuo kami, naghihintay na lang kami ng tawag kung ano tatanggalin at idadagdag, so nauubos ‘yung oras.  Sayang ‘yung oras na nauubos sa kakadagdag, kababago, kaka-edit at kung anu-ano pa.”


Hindi rin daw madaling mag-shoot sa 16 finalists ng Artista Academy dahil 24/7 ito at nakakailang takes lahat dahil walang alam sa tamang anggulo, “siyempre dapat magaganda naman sila kapag kinukunan.” Dagdag pa ng aming source.


Tulad ng umere noong Lunes ay ginawa ito ng Linggo hanggang Lunes ng tanghali at ang umere noong Martes ay ginawa naman ng Lunes hanggang Martes ng umaga at ganito rin ang episode ng Miyerkules.


Ang tanong ng bayan, hanggang kailan ang ganitong sistema ng Artista Academy?


Hindi pa talaga kaya ng TV5 ang ganito kalaking reality show at okay lang ‘yun dahil ang ABS-CBN nga, isang taon o higit pa ang pagbuo nila ng mga reality show nilang Pinoy Biggest Loser at X-Factor.


Tinanong naman namin ang taga-TV tungkol sa problema sa AA, " I'm not aware of that, bu it happens naman especially for shows like this."








No comments:

Post a Comment