Friday, 27 July 2012

"THE HEALING", NAKAKALITO ANG DALAWANG RATINGS!!


Nakakalito ang dalawang ratings na ibinigay ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB na R-13 at R-18 dahil karamihang nanood ay sa una dahil hindi raw nila alam ang pagkakaiba.

Hindi rin kasi ito ipinapaalala ng mga takilyera sa mga bumibili ng tickets kung saan sila manonood.
 
Dahil nga mahaba ang pila at naga-alalang maubusan kami ng upuan sa Trinoma noong Huwebes (Hulyo 26) ng gabi ay R-13 ang nakuha naming tickets at mabuti na lang at nakakita kami ng kaibigan at nagtataka kung bakit kami doon nakapila.
 
Pinapalitan namin kaagad ang tickets namin ng R-18 at ang sabi sa amin ng takilyera ay,“nasa sa inyo naman po ‘yun kung saan ninyo gustong manood.”
 
Ang ending, karamihan sa nanood ay sa R-13 sa Cinema 7 at kaunti lang kami sa R-18 sa Cinema 2 ng Trinoma.
 
Dahil konti kaming nanood sa R-18 ay ang ingay-ingay ng mga kasama naming sa loob ng sinehan kapag gulatan at patayan na ang mga eksena at saka magtatawanan at ang naging running joke tuloy ay, “o ka-dobol mo.”
 
Sa umpisa ng pelikula ay nagtataka kami nina katotong Pilar Mateo at Kristina Orfiano kung bakit may color-coding sa buong pelikula tulad ng asul, pula, dilaw at puti at nagkabiruan pa nga kami ng mga katoto na baka may kinalaman ang mga kulay sa mga produktong ini-endorso ni Governor Vilma Santos-Recto.
 
Kaya’t tinanong namin ang head adprom ng Star Cinema na si Michael del Rosario at ang kaswal niyang sabi, “kung mao-observe mo carefully, it represents the various points of the narrative.  May representative sa bawat chapter.”
 
Kaya ang naisip naming kasagutan tungkol sa mga kulay ay sa unang bahagi ng pelikula na kulay asul ang paligid at lahat ng kasuotan nina Governor Vilma, Kim Chiu, Janice de Belen, Allan Paule, Ynez Veneracion, Cris Villanueva, Robert Arevalo, Joel Torre, Pokwang, Martin del Rosario, Ces Quesada ay simula ng pag-asa dahil napagaling nga sila ni Manang Elsa na isang faith healer.
 
At ng isa-isa na silang namamatay na mga ginamot ay naging kulay pula na lahat ang suot at paligid ang ibig sabihin ay sakuna at pagtatanong kung bakit nangyayari ito.
 
Sinundan ng dilaw ang buong paligid at kasuotan na pilit na tinutuklas kung ano ang nangyayari sa panggagamot ni Manang Elsa hanggang sa nalamang pinatay na pala siya ng pasyenteng binuhay niya na bawal iyon sa Banal na Kasulatan.
 
At ang panghuli na kulay puti na ibig sabihin ay kasagutan sa lahat ng pangyayari at katapusan ng pelikula.
 
Maraming nagandahan sa The Healing at may mga hindi rin dahil simple lang daw ang istorya at ikinumpara ito sa Feng Shui at Sukob na si direk Chito Rono rin ang gumawa.
 
Samantala, hindi nakadalo si Governor Vi sa block screening na ginanap sa Trinoma Cinema 2 noong gabi dahil binabantayan daw ang anak nitong si Luis Manzano na isinugod sa hospital at tanging si Kim Chiu lang ang naroon.
 
Ang intindi namin ay Pinoy version ng Final Destination (cheated death) ang tema ng The Healing dahil tayong mga Pilipino lang ang naniniwala sa healing o faith healer.
 
Kasabay ng selebrasyon ni Governor Vilma sa kanyang 50th anniversary sa showbiz ang paghataw sa  takilya ng The Healing na binigyan ng Grade A ng Cinema Evaluation Board mula sa Star Cinema at palabas sa 140 sinehan sa buong bansa.
 
 

No comments:

Post a Comment