Monday 30 July 2012

SARAH NANATILING MASUNURING ANAK





Hayan, lumabas na rin ang totoo na kinausap talaga ni Mommy Divine Geronimo si Gerald Anderson tungkol sa panliligaw nito sa anak na si Sarah.


Matatandaang ilang beses na naming sinulat na itinigil na ng aktor ang panliligaw niya kay Sarah dahil pinigilan siya ng magulang ng dalaga bukod pa sa hindi na rin matutulog ang pangatlong pelikula nila na ididirek sana ni Cathry Garcia-Molina mula sa Viva Films at Star Cinema.


Nasulat din namin na ayaw sanang pumunta na ni Gerald sa nakaraang concert ni Sarah sa Araneta Coliseum noong Hulyo 7 dahil nga ayaw niyang dayain ang sarili dahil masama ang loob niya at pakiramdam niya ay magagamit siya para sa supporters ng dalaga na siyang totong nangyari nga.


Pero nakiusap daw ang taga-Viva na pumunta siya sa concert at maging ang Star Magic family niya ay kinausap din na dumaan siya para wala ng isyu kaya naroon nga ang aktor pero sa ikawalang gabi ng show ay hindi na siya dumating pa.


Nang lumabas ang sinulat naming ito ay may mga natanggap kaming e-mails na kesyo sinisiraan namin si Sarah o ang magulang niya dahil hindi raw totoong hindi sila okay,m kesyo tanggap daw ni mommy Divine si Gerald at kung anu-ano pa at dinedma na lang namin lahat dahil katwiran namin, lalabas din ang totoo dahil ang source namin ay mula mismo sa kampo ng aktor.


At sa Sarah G Live! Noong Linggo (Hulyo 29) ay sina daddy Delfin at mommy Divine plus Ms Ai Ai de las Alas ang special guests ni Sarah at dito na inamin ng ina niya ang tungkol kay Gerald.


At inamin naman ni mommy Divine na talagang kinausap nila si Gerald, “kami nga ni daddy Delfin ang nagbigay ng permiso na ligawan siya (Sarah) sa bahay.

"Kinausap namin talaga siya (Gerald) nang pormal, at sabi ko, sa bahay lang puwede ligawan ang anak ko, hindi sa labas o sa text.

"Sabi ko, 'Kung mapapasensiyahan mo ang patakaran naman namin, ganito kami, nirerespeto ka namin, pero sana respetuhin mo rin kami. Kasi babae ang anak ko.' Ewan ko lang kung dapat sabihin, pero mukhang..”biting kuwento ni mommy Divine.


Tila hindi raw kaya ni Gerald ang patakaran ng pamilya ni Sarah kaya’t huminto na siya sa panliligaw sa dalaga.


Matatandaang noong Hulyo 24, Linggo ay nag-guest si Gerald Anderson sa Sarah G Live na halatang asiwa sa paglalambing ni Sarah Geronimo sa kanya maski na tinawag siyang ‘babe’.


Hindi naitago sa facial expression ni Gerald na hindi siya okay sa nangyayari sa kanila ni Sarah habang nasa stage sila at nadulas na sinabi rin ng dalaga na may tampuhan sila nu’ng gabi ng aktor kaya ganu’n ang kilos ng binata.


May eksenang paalis na si Gerald sa stage ng pinigilan siya ni Sarah at sabay sabing, “dito ka muna, huwag ka munang umalis baka hindi na ito maulit (makitang magkasama sila).


Samantala, nabuking din na ang awiting It Might Be You ang paboritong kanta nina Sarah at Gerald base na rin sa backgroung sa Sarah G Live at ito rin ang kinanta ng aktres sa show niyang 24/7 noong gabing dumating ang aktor.

"Siguro, ano, kung sino man siya, kailangan ng konting panahon para mapatunayan ko sa sarili ko kung totoo ang tinitibok ng puso ko o kung totoo ang tinitibok ng puso niya,” paliwanag ni Sarah sa tanong ni Ai Ai kung ang nasabing kanta nga ang theme song nila ni Gerald.

At ang mensahe ni Gerald para kay Sarah sa ibinigay nitong regaling relo, “sabi niya (Gerald), time will tell, and ang gusto ko ay kung sino ang gusto ng Diyos para sa akin."

Mensahe kasi ni Gerald kay Sarah ng bigyan siya ng relo noong nakaraang linggo, “eto ay isang clock: symbol ng time. Time para sa studies, para sa career mo, para sa mga Popsters at sa iba pang mga grupong sinusuportahan ka. At time para sa iyo...para sa nanay mo, sa tatay mo. Ang bilis ng oras.”

Samantala, humingi naman ng dispensa si Sarah sa magulang niya noong Linggo dahil nga muli na namang tumibok ang puso niya kay Gerald, "patawad po, kahit hindi ako naging perpektong anak. Kayo po ang nakakaalam kung ano ang makakabuti para sa akin."

Ipinaliwanag ni mommy Divine sa anak na hindi kailangang magmadali dahil may tamang lalaking darating para sa kanya (Sarah), in God’s time.

"Hindi naman ako nagmamadali, Ma, muntik lang."  nagbirong sabi ni Sarah sa ina.

"Kakanta pa tayo, Ma," sabay bawi ng dalaga at saka sila kumanta ng ‘You've Got a Friend’ kasama si daddy Delfin na umaalalay sa anak dahil nga umiiyak na ito.

At hindi na napigilan ni Sarah ang pag-iyak ay tumalikod na ito sa TV camera habang sinolo nan g ama ang pagkanta.

Samu’t sari ang narinig at nabasa naming feedbacks sa mga nangyaring eksena sa Sarah G. Live, may mga umayon dahil dapat sundin ni Sarah ang magulang dahil nga, ‘mother knows best’ at mas marami ang nagsasabing, “pakialamerang ina si mommy Divine dahil sinasakal niya ang kaligayan ng anak gayung nasa tamang edad na.”

Para sa amin, masarap ang may inspirasyon lalo na kung nagta-trabaho kang mabuti, ito na lang kasi nag kunsuwelo mo para sa sarili mo, makasama ang taong nagpapasaya sa iyo.

Pero bilang magulang na rin at sa experience naming nagpa-aral ng mga kapatid ay ganito rin ang bilin namin na ‘ magtapos muna ng pag-aaral bago magpaligaw at kapag may bagsak, hinto sa pag-aaral’ na sinunod naman kami in fairness. Ang hindi lang naging maganda o hindi pa ibinibigay ng Diyos ay matatanda na ang mga kapatid ko ng magsipag-asawa kaya hanggang ngayon, hirap silang bigyan ako ng pamangkin.

Sa edad ni Sarah na 24 ay puwedeng sabihing nasa tamang edad na para magka-boyfriend pero para sa magulang niya ay bata pa kaya siya pinipigilan.  Dama kasi ng magulang ang kakayahan ng anak kung kaya na nitong humawak ng responsibilidad, ang pagkakaroon ng kasintahan at base nga sa nakikita sa singer/actress ay hindi pa panahon.

Siguro ang hindi lang maganda sa parte ni mommy Divine kaya parati siyang negtibo kapag may nanliligaw sa anak ay masyado siyang harsh o prangkang masyado na hindi siya boto sa lahat ng gustong manligaw kay Sarah kasi nga pakiwari niya, hindi pa panahon bukod pa sa maganda ang career ng dalaga at baka madiskaril kapag masyado na itong na in-love.


No comments:

Post a Comment