Tuesday 31 July 2012

ARTISTA ACADEMY NG TV5, MARAMING PROBLEMA


Maiinit na ang mga ulo ng tatlong team na bumubuo ng reality show na Artista Academy ng TV5 dahil binubuo palang nila ang episode na ie-ere kinagabihan as in hand to mouth.



Sanay na kaming makarinig ng ganitong kuwento sa mga programa ng ABS-CBN lalo na kapag nae-extend at malapit ng magtapos dahil nga may mga binabago sa script at karamihan naman ay magaganda ang resulta.


Nakakataka lang ang Artista Academy na ilang buwan na itong binubuo ay wala pa rin pala silang bangko?


Kaya nga hindi natuloy ang airing ng AA noong Hulyo 16 ayon sa unang press release dahil hindi pa sila handa kaya naging Hulyo 30 na itinuloy na lang daw dahil kahiyaan na at naka-ilang anunsyo na ang TV5.


Kuwento mismo ng aming source na taga-Artista Academy, “paanong hindi kami mangangarag, ang dami-daming boss na kailangang sundin.  Kapag may natapos na kaming segment, ipi-preview ni Ma’am Wilma (Galvante), me ipapabago, tapos ipi-preview ni direk Mac (Alejandre), me babaguhin din, tapos ipi-preview ni PMI (Perci M. Intalan), me patatanggal o idadagdag, kaya paano kami makakabuo?


“Kaya nga kapag may nabuo kami, naghihintay na lang kami ng tawag kung ano tatanggalin at idadagdag, so nauubos ‘yung oras.  Sayang ‘yung oras na nauubos sa kakadagdag, kababago, kaka-edit at kung anu-ano pa.”


Hindi rin daw madaling mag-shoot sa 16 finalists ng Artista Academy dahil 24/7 ito at nakakailang takes lahat dahil walang alam sa tamang anggulo, “siyempre dapat magaganda naman sila kapag kinukunan.” Dagdag pa ng aming source.


Tulad ng umere noong Lunes ay ginawa ito ng Linggo hanggang Lunes ng tanghali at ang umere noong Martes ay ginawa naman ng Lunes hanggang Martes ng umaga at ganito rin ang episode ng Miyerkules.


Ang tanong ng bayan, hanggang kailan ang ganitong sistema ng Artista Academy?


Hindi pa talaga kaya ng TV5 ang ganito kalaking reality show at okay lang ‘yun dahil ang ABS-CBN nga, isang taon o higit pa ang pagbuo nila ng mga reality show nilang Pinoy Biggest Loser at X-Factor.


Tinanong naman namin ang taga-TV tungkol sa problema sa AA, " I'm not aware of that, bu it happens naman especially for shows like this."








AKTRES BAD TRIP NG DUMALO SA EVENT




Halatang bad trip ang isang aktres ng dumalo siya sa isang event dahil napagalitan pala siya ng taong in-charge sa okasyon.


Super late na raw dumating ang aktres tapos hindi pa naka-make up kaya naman tinalakan siya ng taong in-charge ng event kaya nagmamadaling nag-ayos ng sarili bago nakipag-tsika-tsika sa mga bisita.


Ang paliwanag naman ng kampo ng aktres ay galing daw sa out-of-town event at delayed ang flight dahil sa bagyong Gener, pero katwiran naman ng taong in-charge sa event na hindi katwiran iyon dahil alam niyang may event siya sa Manila, e, di sana hindi tumanggap ng raket sa probinsiya.


Puwede naman kasing rumaket kung nakarating ng maaga, nagkataon lang talaga na binabayo ng bagyong Gener ang Luzon, Visayas at Mindanao kaya naantala ang paglipad at paglapag ng eroplanong sinakyan ni aktres.


Anyway, ang aktres na ito ay sobrang pasaway kaya iniiwanan siya ng handlers niya.








ENCHONG AT JULIA, MAY LQ?





Maraming nagtataka kung bakit hindi nagpapansinan sina Enchong Dee at Julia Montes sa presscon ng The Reunion mula sa Star Cinema noong Martes ng gabi sa Dolphy Theater habang nagkakasayahan ang buong cast tulad nina Xian Lim, Kean Cipriano, Enrique Gil, Mat Evans, Megan Young, at Bangs Garcia puwera si Jessy Mendiola na masyadong seryoso.


Halatang-halata kasing pinipilit lang ni Julia ngumiti kapag may nagpapatawa kina Kean, Xian, Enrique at Enchong samantalang ang huli naman ay hindi gaanong tumitingin sa batang aktres.


Kaya mas naniwala tuloy kami na baka nga may tampuhan ang dalawa.


Kaya naman pagkatapos ng Q and A ay kaagad tinanong si Enchong kung may tampuhan sila ni Julia.


“E, di effective pala kami ngayon?” balik-tanong ng aktor sa mga nagtanong na katoto, “Wala, wala, okay kami,”dugtong ni Enchong, “nasa press conference kasi kami,”


Samantala, during the Q and A ay tinanong isa-isa ang cast ng The Reunion kung kanino nila gustong ma-in love.


At natagalan bago nakasagot si Julia na tila gustong umiwas, pero hindi siya tinantanan ng media.


“Ito na yata ang pinakamahirap na tanong (media) sa akin, ano, ‘yun nga po, si Enchong,” natatawang sagot ni Julia at palihim namang napangiti ang aktor.


Sabay hiyawan ang fans ng dalawa sa balcony section ng Dolphy Theater kaya wala na kaming marinig sa sagot ni Julia.


Bakit si Enchong?


“Kasi naging close ko siya since nu’ng Shout Out (TV series, 2010) at sa lahat ng boys (Kean, Xian, Mat at Enrique) kung baga, siya lang ‘yung kakilala ko, so ‘yun,” paliwanag ni Julia.


Kaya naman ibinalik din ang tanong kay Enchong kung sino sa girls ng The Reunion niya gustong ma in-love?


“Si Julia, “seryosong sagot ng binata at hiyawan na naman ang fans na talagang nabibingi na kami.


At ang reaksyon ni Enchong na siya ang pinili ni Julia, “thank you.  Si Julia, kasi masaya ako kapag kasama ko siya,” pag-amin ng aktor.


Kaya naman tinanong si Enchong pagkatapos ng Q and A kung ano na ang lagay ng panliligaw niya ngayon kay Julia dahil nabanggit niyang masaya siya, ibig sabihin ay ‘sila’ na?


“Ilang months na lang ba? (para maging 18 si Julia), o seven months na (nanliligaw) kaya dahan-dahan lang.”sabi ng binata.


Pagtuntong ba ni Julia ng disiotso ay makakamtan na ni Enchong ang inaasam-asam niyang ‘oo’?


“Ay hindi, depende ‘yun sa kanya kung ano pa ‘yung kaya kong gawin.  Nagpapahiwatig pa rin,”pag-amin ng aktor.


Ano nga bang mayroon sa leading lady nina Paulo Avelino at Coco Martin sa Walang Hanggan kung bakit nagtitiyaga si Enchong sa panliligaw.


“Hindi ko masabi, eh, it’s just happened, mararamdaman mo ‘yun.” Saad ng binata.


At para hindi masira si Enchong kay Julia, “huwag akong maloko, huwag akong pasaway, di ba?  Dapat seryoso ako.”


Samantala, tinanong namin kung sino ang date ni Enchong sa darating na Star Magic Ball.


“Aha, kung mapapayagan siya (Julia), kung hindi man siya, tingnan natin, masuwerte kung siya,” nakangiting sagot ng aktor.


Sa madaling salita ay hindi pala siguradong sina Enchong at Julia ang magka-partner?

“Hindi pa, eh.  Kasi, depende.” Kaswal na sabi.


Pero pagdating sa movie at TV projects ay ayaw ni Enchong na maka-trabaho si Julia dahil siguro baka magkaroon sila ng problema lalo na kung may tampuhan sila sa isa’t isat.


“Hindi ko alam, pakiramdam ko lang.” mabilis na sagot ni Enchong.


At muling tinanong si Enchong kung ilang buwan na siyang nanliligaw sa batang aktres at sabi lang niya ay kailan lang, pero kaagad namin siyang binalikan ng tanong na, ‘parang ang tagal na mula ng makita namin kayong nagdi-dinner (Bellissimo Restaurant) ni Julia’ at natawa ang aktor.


Samantala, tinanong namin ng diretso si Enchong kung kinausap ba siya ng mommy ni Julia tungkol sa panliligaw niya na dapat sa bahay nililigawan at hindi sa text/cellphone na mala- Mommy Divine ang peg.


Natawa ang binata, “hindi, masuwerte ako na hindi,”


Samantala, mapapanood na ang The Reunion sa Agosto 15 mula sa direksyon ni Frasco Mortiz handog ng Star Cinema.

        

KILALANG KOMEDYANTE, NAGTUTULAK NG KOTSE SA MAKATI AVENUE





Nakitang nagtutulak ng lumang kotse niya sa kahabaan ng Makati Avenue, Makati City ang kilalang komedyante dahil tumirik ito.


Base sa kuwento ng aming source ay isang taon at kalahating hindi ginamit ng kilalang komedyante ang kotse niya na naka-parada lang sa bahay nila dahil mga sasakyan ng asawa niya ang ginagamit niya.


Mga kotseng Starex Limousine, Hummer, BMW, Mercedez Benz at Grandia ang halinhinang ginagamit ng kilalang komedyante kapag may lakad siya at papasok sa opisina kaya naman sikat na sikat siya.


Ang nakilalang simpleng komedyante ay naiba raw ang lifestyle simula ng mag-asawa ito ng kilalang negosyante, pero hindi naman daw nagbago ang ugali ng komedyante, nanatiling nakatapak ito sa lupa at hindi rin niya pinagsamantalahan ang kabaitan ng asawa.


Pero ng naghiwalay silang mag-asawa ay kusang ibinalik din ni kilalang komedyante ang mga susi ng mga mamahaling sasakyan, mga mamahaling relo na hindi mabilang kung ilan at iba pang mamahaling gamit na ibinigay ng asawa para patunayang hindi ito ang hangad niya.


Nabalitaan ito ng asawa at awang-awa siya sa kilalang komedyante, pero wala naman siyang magagawa dahil ito ang desisyon ng asawa, ang muling bumalik sa nakagawiang buhay.



Monday 30 July 2012

SARAH NANATILING MASUNURING ANAK





Hayan, lumabas na rin ang totoo na kinausap talaga ni Mommy Divine Geronimo si Gerald Anderson tungkol sa panliligaw nito sa anak na si Sarah.


Matatandaang ilang beses na naming sinulat na itinigil na ng aktor ang panliligaw niya kay Sarah dahil pinigilan siya ng magulang ng dalaga bukod pa sa hindi na rin matutulog ang pangatlong pelikula nila na ididirek sana ni Cathry Garcia-Molina mula sa Viva Films at Star Cinema.


Nasulat din namin na ayaw sanang pumunta na ni Gerald sa nakaraang concert ni Sarah sa Araneta Coliseum noong Hulyo 7 dahil nga ayaw niyang dayain ang sarili dahil masama ang loob niya at pakiramdam niya ay magagamit siya para sa supporters ng dalaga na siyang totong nangyari nga.


Pero nakiusap daw ang taga-Viva na pumunta siya sa concert at maging ang Star Magic family niya ay kinausap din na dumaan siya para wala ng isyu kaya naroon nga ang aktor pero sa ikawalang gabi ng show ay hindi na siya dumating pa.


Nang lumabas ang sinulat naming ito ay may mga natanggap kaming e-mails na kesyo sinisiraan namin si Sarah o ang magulang niya dahil hindi raw totoong hindi sila okay,m kesyo tanggap daw ni mommy Divine si Gerald at kung anu-ano pa at dinedma na lang namin lahat dahil katwiran namin, lalabas din ang totoo dahil ang source namin ay mula mismo sa kampo ng aktor.


At sa Sarah G Live! Noong Linggo (Hulyo 29) ay sina daddy Delfin at mommy Divine plus Ms Ai Ai de las Alas ang special guests ni Sarah at dito na inamin ng ina niya ang tungkol kay Gerald.


At inamin naman ni mommy Divine na talagang kinausap nila si Gerald, “kami nga ni daddy Delfin ang nagbigay ng permiso na ligawan siya (Sarah) sa bahay.

"Kinausap namin talaga siya (Gerald) nang pormal, at sabi ko, sa bahay lang puwede ligawan ang anak ko, hindi sa labas o sa text.

"Sabi ko, 'Kung mapapasensiyahan mo ang patakaran naman namin, ganito kami, nirerespeto ka namin, pero sana respetuhin mo rin kami. Kasi babae ang anak ko.' Ewan ko lang kung dapat sabihin, pero mukhang..”biting kuwento ni mommy Divine.


Tila hindi raw kaya ni Gerald ang patakaran ng pamilya ni Sarah kaya’t huminto na siya sa panliligaw sa dalaga.


Matatandaang noong Hulyo 24, Linggo ay nag-guest si Gerald Anderson sa Sarah G Live na halatang asiwa sa paglalambing ni Sarah Geronimo sa kanya maski na tinawag siyang ‘babe’.


Hindi naitago sa facial expression ni Gerald na hindi siya okay sa nangyayari sa kanila ni Sarah habang nasa stage sila at nadulas na sinabi rin ng dalaga na may tampuhan sila nu’ng gabi ng aktor kaya ganu’n ang kilos ng binata.


May eksenang paalis na si Gerald sa stage ng pinigilan siya ni Sarah at sabay sabing, “dito ka muna, huwag ka munang umalis baka hindi na ito maulit (makitang magkasama sila).


Samantala, nabuking din na ang awiting It Might Be You ang paboritong kanta nina Sarah at Gerald base na rin sa backgroung sa Sarah G Live at ito rin ang kinanta ng aktres sa show niyang 24/7 noong gabing dumating ang aktor.

"Siguro, ano, kung sino man siya, kailangan ng konting panahon para mapatunayan ko sa sarili ko kung totoo ang tinitibok ng puso ko o kung totoo ang tinitibok ng puso niya,” paliwanag ni Sarah sa tanong ni Ai Ai kung ang nasabing kanta nga ang theme song nila ni Gerald.

At ang mensahe ni Gerald para kay Sarah sa ibinigay nitong regaling relo, “sabi niya (Gerald), time will tell, and ang gusto ko ay kung sino ang gusto ng Diyos para sa akin."

Mensahe kasi ni Gerald kay Sarah ng bigyan siya ng relo noong nakaraang linggo, “eto ay isang clock: symbol ng time. Time para sa studies, para sa career mo, para sa mga Popsters at sa iba pang mga grupong sinusuportahan ka. At time para sa iyo...para sa nanay mo, sa tatay mo. Ang bilis ng oras.”

Samantala, humingi naman ng dispensa si Sarah sa magulang niya noong Linggo dahil nga muli na namang tumibok ang puso niya kay Gerald, "patawad po, kahit hindi ako naging perpektong anak. Kayo po ang nakakaalam kung ano ang makakabuti para sa akin."

Ipinaliwanag ni mommy Divine sa anak na hindi kailangang magmadali dahil may tamang lalaking darating para sa kanya (Sarah), in God’s time.

"Hindi naman ako nagmamadali, Ma, muntik lang."  nagbirong sabi ni Sarah sa ina.

"Kakanta pa tayo, Ma," sabay bawi ng dalaga at saka sila kumanta ng ‘You've Got a Friend’ kasama si daddy Delfin na umaalalay sa anak dahil nga umiiyak na ito.

At hindi na napigilan ni Sarah ang pag-iyak ay tumalikod na ito sa TV camera habang sinolo nan g ama ang pagkanta.

Samu’t sari ang narinig at nabasa naming feedbacks sa mga nangyaring eksena sa Sarah G. Live, may mga umayon dahil dapat sundin ni Sarah ang magulang dahil nga, ‘mother knows best’ at mas marami ang nagsasabing, “pakialamerang ina si mommy Divine dahil sinasakal niya ang kaligayan ng anak gayung nasa tamang edad na.”

Para sa amin, masarap ang may inspirasyon lalo na kung nagta-trabaho kang mabuti, ito na lang kasi nag kunsuwelo mo para sa sarili mo, makasama ang taong nagpapasaya sa iyo.

Pero bilang magulang na rin at sa experience naming nagpa-aral ng mga kapatid ay ganito rin ang bilin namin na ‘ magtapos muna ng pag-aaral bago magpaligaw at kapag may bagsak, hinto sa pag-aaral’ na sinunod naman kami in fairness. Ang hindi lang naging maganda o hindi pa ibinibigay ng Diyos ay matatanda na ang mga kapatid ko ng magsipag-asawa kaya hanggang ngayon, hirap silang bigyan ako ng pamangkin.

Sa edad ni Sarah na 24 ay puwedeng sabihing nasa tamang edad na para magka-boyfriend pero para sa magulang niya ay bata pa kaya siya pinipigilan.  Dama kasi ng magulang ang kakayahan ng anak kung kaya na nitong humawak ng responsibilidad, ang pagkakaroon ng kasintahan at base nga sa nakikita sa singer/actress ay hindi pa panahon.

Siguro ang hindi lang maganda sa parte ni mommy Divine kaya parati siyang negtibo kapag may nanliligaw sa anak ay masyado siyang harsh o prangkang masyado na hindi siya boto sa lahat ng gustong manligaw kay Sarah kasi nga pakiwari niya, hindi pa panahon bukod pa sa maganda ang career ng dalaga at baka madiskaril kapag masyado na itong na in-love.


Sunday 29 July 2012

SAM DAHILAN SA HIWALAYANG MATTEO AT MAJA


‘ANG LATEST’, ito ngayon ang titulo ng programang kapalit ng Paparazzi na mapapanood na sa Sabado, Agosto 4 at ang kumpirmadong host ay si ‘Nay Cristy Fermin.
 
 
Hindi pa binanggit sa amin ng TV5 executive na kausap namin kung sinu-sino ang makakasama ni ‘Nay Cristy sa ‘Ang Latest’ dahil magmi-meeting pa raw sila bukas bukod pa sa inamin ding magbabawas sila ng staff para makatipid.
 
 
Samantala, isa pang executive rin ng nasabing TV network ang bumulong sa aming hindi na kasama si Zoren Legaspi sa Ang Latest dahil may regular show na itong Enchanted Garden na simula na ngayong gabi sa ganap na 6:30 at ayaw daw ni direk Joel Lamangan na lumalagare ang mga artista niya para makapag-concentrate mabuti sa papel na ginagampanan nila. Kaya nga raw pinatigil niya si Alex Gonzaga sa Juicy dahil dito.
 
 
Dagdag tsika pa sa amin na magre-reformat din daw ang Juicy at hindi naman daw babaguhin ang titulo as of this writing, “depende sa meeting bukas, alam mo naman, bigla-bigla ang mga desisyon.  Kita mo nga, kasasabi lang ni PMI (Perci M. Intalan) na hindi mawawala ang Paparazzi, wala pang isang linggo, tsugi na at papalitan ng bago.  Ganu’n kabilis ang mga nangyayari sa TV5.”
 
 
Sitsit din sa amin na wala sa line-up ang mga pangalan nina Shalala, IC Mendoza, Divine Lee, direk Joey Reyes at Gladys Reyes sa reformat ng Juicy na magsisimula sa susunod na linggo.
 
 
Sa madaling salita, si 'Nay Cristy Fermin lang ang matitira para sa dalawang programang nabanggit?  Hmm, sinu-sino kaya ang makakasama niya?
 
 
Samantala, isa pang tsikang nakuha namin buhat naman sa isang executive outside TV5, “magiging sports channel na lang daw ang TV5?  Kasi ‘yung kaibigan ko, hindi makasingil sa TV5, walang pera lagi kaya tatanggalin na lahat ng shows.”
 
 
Nagulat naman kami dahil ang alam namin ay ang Aksyon TV ang sports channel ng TV5 at kung totoo ito, paano na ang mga bagong programa nila tulad ng Third Eye na nagsimula kahapon, Enchanged Garden, Artista Academy, Will Time Big Time, Game n Go, Who Wants to be A Millionaire, Talentadong Pinoy, Untold Stories, Face to Face at iba pa.


                                                                                 xxxxxxxx



Nagtataka ang kampo ni Sam Milby kung bakit siya nauugnay kay Maja Salvador at itinuturong dahilan din kaya naghiwalay sila ni Matteo Guidicelli.
 
 
Naunang nasulat na magkasamang nanood dawn g show sina Sam at Maja sa Smart Araneta Coliseum at kumain sa isang restaurant.
 
 
Kaagad klinaro ito ng kampo ng aktor, “parang hindi naman sila lumabas na silang dalawa lang, may mga kasama at saka minsan lang ‘yun.  Magkaibigan lang sila noon pa.  At saka hindi ang tipo ni Sam na umeeksena kapag alam niyang may boyfriend lalo na kung kaibigan pa niya ang guy.”
 
 
Sabagay, parang wala rin kaming nabalitaan na niligawan ni Sam ang isang babae na may karelasyon ito.
 
 
“At saka sa hectic ng schedules ngayon ni Sam like 3X a week siya nagte-taping ng Against All Odds, wala siyang time manligaw pa, though naghahanap nga siya ng non-showbiz.” Dagdag tsika pa sa amin.
 
 
Samantala, kasalukuyang pino-promote rin ni Sam ngayon ang pangalawang single na Magpakailanman mula sa album niyang Sam Milby, Be Mine mula sa Star Records at siya rin ang kumanta ng Please Be Careful with my Heart na serye nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap also known as Papa Chen.
 
 
 
 


Teaser for PRINCESS AND US show on AUGUST 20, 10PM at ZIRKOH MORATO with KHALIL RAMOS, KATHRYN BERNARDO AND DANIEL PADILLA wd guest SEXBOMB DANCERS.  For tickets, please call 0917-4398587.

Saturday 28 July 2012



CHECK THIS OUT;

ROBIN AT KRIS, TAKE TWO SA KISSING SCENE


First taping day nina Kris Aquino at Robin Padilla para sa seryeng Kailangan Ko'y Ikaw ay kissing scene kaagad ang kinunan ng direktor na si Joyce Bernal.


Na-take two nga raw sina Binoe at Tetay nasabing eksena, "magka-ibang anggulo kasi kaya take-two,” katwiran ng aming espiya.


Hindi naman daw nagkahiyaan ang dalawang bida ng Kailangan Ko'y Ikaw dahil alam naman daw nilang kissing scene nila ang kukunan.


Nabanggit din n gaming source na nagkukuwentuhan naman daw ang dalawa sa set, “konting kuwentuhan lang, hindi naman nagtagal.”


Masaya raw ang direktor nilang si Binibining Joyce Bernal ng matapos kunan ang eksena dahil nakuha nina Robin at Kris ang gustong anggulo kaya naman mabilis natapos ang taping.


'ANG LATEST', HINDI NA KASAMA SI ZOREN LEGASPI.



Kumpirmadong hindi na kasama si Zoren Legaspi sa programang kapalit ng Paparazzi na may titulong 'Ang latest' na magu-umpisa na sa darating na Sabado, Agosto 4.


Kinailangang mag-concentrate muna ni Zoren sa eco-fantaseryeng Enchanted Kingdom sa pangunguna nina Alex Gonzaga, Rufa Mae Quinto, Ruffa Gutierrez, Alice Dixson, BB Gandanghari at iba pa mula sa direskyon nina Joel Lamangan, Joyce Bernal at Eric Quizon.


Ayon mismo sa TV5 executive ay kinailangan nilang magbawas ng tao dahil malaki ang gastos sa production department at apat na hosts lang daw nag matitira na hindi naman binanggit pa kung sinu-sino ang mga ito.


Pero ang programang Juicy na napapanood tuwing madaling araw sa ganap na 12:30AM ay hindi mawawala, pero magbabawas din daw ng hosts para makatipid at tanging si 'Nay Cristy Fermin lang ang matitira para sa dalawang programang nabanggit.





Friday 27 July 2012

PAPARAZZI, TSUGI NA!


Nagpasalamat na ang lahat ng hosts ng Paparazzi kanina na sina ‘Nay Cristy Fermin, Dolly Ann Carvajan, Zoren Legaspi, at regular guest co-host Congresswoman Lucy Torres-Gomez sa lahat ng sumubaybay sa nasabing programa at abangan daw sa susunod na Sabado (Agosto 4) ang magandang pagbabago at mas matitinding isyung dapat tutukan ng manonood.
Sa madaling salita ay namaalam na ang nasabing programa at papalitan na ito ng ibang talk show na sila rin ang hosts?
Matagal ng nababalitang mawawala ang mga programang Paparazzi at Juicy, pero sabi nga ng head ng creative at entertainment na si Perci M. Intalan ay hangga’t umeere ay hindi mawawala, pero aniya, hindi siya ang ‘network’ kaya wala sa mga kamay niya ang desisyon kung ano ang plano.
At base na rin sa mga naririnig namin at nasulat sa mga pahayagan na kinukuwestiyon na raw ang malaking gastos ng dalawang programa kaya kailangang magbawas na, ang tanong, ano at sino ang babawasan?
Nauna ng binalasa raw ang mga empleyado sa News and Public Affairs ng TV5 at pinag-isa na lang daw ang dalawang departamento kaya’t isinunod na ang entertainment production.
Masyado kasing malaki ang budget na inilaan sa reality show na Artista Academy kaya ibang programa ang nagsa-suffer kaya sana itong AA, e, huwag niyang biguin ang manonood para worth it sa mga nabawasan o nawalan ng trabaho sa mga programang Paparazzi at Juicy.
                                             Xxxxxx